Sabado, Nobyembre 23, 2013

Ano ang Simbahang Orthodox?

Sa kinaramihan ng mga Pilipino, hindi nila alam kung ano ang Simbahang Orthodox, o ang Orthodox Church.  Kung may alam man sila ay limitado base sa mga ilang maliliit na detalye na nasama sa usapan.  Siguro may kakilala sila na naging Orthodox, o narinig o nabasa lang sa internet, o kaya nabasa sa mga libro ng kasaysayan o sa diyaryo.  Pero kahit na alam nila ang salitang "Orthodox", hindi talaga nila alam kung ano ito.  Ganito rin ako noon, hindi ko maalala kung saan ko narinig iyon pero may kaunti akong alam.  Ang rason nito ay hindi talaga tayo naabot ng mga misyonaryong Orthodox hangga't nitong nakaraan na 100 taon.  At kahit na may mga Orthodox na pari at obispo o mga dayuhan na Orthodox na nasa Pilipinas upang mag negosyo o tumira, bihira at kakaunti lang ang mga pagkakataon na makilala sila ng publiko.

Simulan natin.  Ang Simbahang Orthodox ay ang Simbahan na itinatag ni Kristo sa panahong ng kanyang ministeryo dito sa lupa.  Ngayon, maraming ibang simbahan at sekta na nagsasabi na sila ang itinatag na simbahan ni Kristo, pano masasabi ng Orthodox na sila nga ang Simbahan?

Ang Orthodox as may kasaysayan na nagmumula pa nung 33AD.  Ito as matapos ng pagkabuhay ni Kristo at umakyat siya sa langit, ipinadala niya ang Espiritu Santo sa kanyang mga disipolo.  Itong araw na ito na tinatawag natin na Pentecost, ang araw na naitatag ang Simbahan.  Mag mula noon at sa sumunod na halos 2000 taon ay makikita ang pag lago ng pananampalatayang Kristiyano at pag tatag ng mga simbahan sa iba't ibang lugar.

Maraming magtatanong, "Orthodox" ba ang pangalan ng Simbahan na itinatag ni Kristo?  Hindi ko ata nabasa sa Bibliya iyan.  May ilang paliwanag yan.

Una, walang pangalan ng Simbahan na binigay si Kristo.  Ang salitang "Orthodox" ay hindi talaga pangalan, kundi paglalarawan ng pananampalataya ng Simbahan.  Ang ibig-sabihin ng salitang "Orthodox" ay "naayon sa tunay na turo".  Kaya ang pag tawag sa Simbahan bilang "Orthodox" ay hindi pag bigkas ng pangalan ng simbahan na para itong isang kumpanya na may tatak, ngunit ito ay ang pagsasabi na ang Simbahang ito ay nasasaayon sa tunay na turo ng mga Apostol.

Pangalawa, marami ang gumagamit ng Bibliya para patunayan na tunay ang kanilang simbahan o sekto.  Karaniwan ay may ilan silang mga talata na ginagamit upang kumbinsihin ang mga tao sa kanilang pahayag.  Hindi yan ang paraan na ginagamit ng Orthodox para patunayan na sila ang tunay kasi alam ng Orthodox na hindi ganyan ang pag gamit ng Bibliya.  Pano niya nalalaman ito?  Kasi ang Simbahang Orthodox ang gumawa ng Bibliya.  Nag simula ang Simbahan ng 33 AD.  Ayon sa kasaysayan, ang unang mga manuscript
ay naisulat ng hindi aaga sa kalagitnaan ng dekada 50AD.  Ang iba pang mga kasulatan na nasama sa Bibliya ay naisulat lamang sa susunod pa na 40 taon, hanggang 90AD.  Matapos nito ay marami ding ibang mga kasulatan na ginagamit ng mga Kristiyano nung unang panahon na hindi naisama sa Bibliya.  Sa ika-4 na siglo lamang nagkaroon ng tinatawag na "canon", o opisyal na listahan ng mga libro na pagsasama-samahin upang gawing Bibliya.  Kahit sa Bibliya mismo makikita na ang mga Kristiyano sa unang siglo ay nagiiba ang tawag sa sarili nila.  Nung una ay tinawag nila ang sarili nila na "The Way" o "Ang Daan".  May dalawang beses lang sa mga kasulatan na ginamit ang salitang "Kristiyano".  Una ay yung pag banggit na sa siyudad na Antioch unang binansagan ang mga disipolo ni Kristo bilang Kristiyano.  Pangalawa, nung usapan ni San Pablo at nung Hari ng Judea na si Agrippa.  Sa usapang ito kung susuriin ang orihinal na Griyego as makikita agad na ang pag gamit ng salitang Kristiyano as isang pangbabastos.  Nung panahon na iyon hindi lang ito pag bansag sa isang tao na tagasunod ni Kristo, kundi may kasama pang kahulugan ito na baliw iyong tao na iyon dahil tagasunod siya ni Kristo.

Kahit si Hesus mismo ay hindi sinabi na malalaman ang mga tunay na tagasunod niya sa pagbansag ng pangalan.  Sabi ni Hesus, "Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila." (Mateo 7:20)  At sinabi Niya rin, "Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin." (Juan 10:27).  Alam natin na ang Simbahang Orthodox ay ang tunay na Simbahan ni Hesus hindi dahil sa mga pahayag ukol sa ilang mga talata na iyong mga talata na iyon ang naglalarawan ng tunay na simbahan o nagbibigay ng pangalang ibinansag sa simbahan.  Malinaw na ang tunay na Simbahan ay sinuman na sumusunod sa mga utos ng Diyos at may kaalaman kung alin ang tamang mga katuruan ni Hesus.  Ang pamumuhay ng isang Orthodox ay nababase hindi lamang sa ilang mga piling talata ng Bibliya, kundi sa pag unawa ng buong Bibliya, at sa pagsunod ng Tradisyon na ibinigay ng mga Apostol sa atin (2 Tesalonica 2:15).  Ang tradisyon ay naipapasa lamang kung ito ay may walang patid na pagdudugtong mula sa araw ng Pentecost noong 33 AD, hanggang sa araw na ito.  At ang Tradisyon din ay isa pang patunay ng katotohanan ng pananampalataya ng mga Orthodox dahil sa pagpasa-pasa ng mga turo at paraan ng pamumuhay, makikita sa pagsusuri ng kasaysayan na ang paniniwala ng mga Orthodox ngayon ay tugma sa pananampalataya ng mga Orthodox nung ika-15 siglo, na tugma sa pananampalataya ng mga Orthodox nung ika-10 siglo, na tugma sa pananampalataya ng mga Orthodox nung ika-4 na siglo, at tugma sa pananampalataya ng mga Apostol na nagbigay sa atin ng pananampalatayang Orthodox na itinuro sa kanila ni Hesus mismo.  Hindi ko sinasabi dito na itong mga panahon lang na ito ang mga panahon na susuriin para makita ang pagkakapareho ng pananampalataya, ngunit ito ay isang halimbawa lamang.  Sa kahit anong panahon mula 33 AD hanggang ngayon, ikumpara sa kahit ano pang panahon, at suriin ang pananampalatayang Orthodox, makikita na ito ay walang pagbabago.  Ito ang patunay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento