Tulad ng nakaraang sulatin dito sa blog, sinabi natin na ang Simbahang Orthodox ay iisa. Pero itong pagkakaisa ng Orthodox ay hindi nakikita sa pagkakapangulo ng isang tao, o sa pag-gamit ng isang pangalan. Ang mga pangalan na ginagamit ng mga Orthodox ay hindi talaga pangalan kundi paglalarawan. Pag sinabing Orthodox ang simbahan o ang isang tao, hindi ito titulo lamang. Ito ay paglalarawan ng pananampalataya, ang ibig sabihin ng Orthodox ay "tama". Kaya ang simbahan na tinatawag na Orthodox ay puwede rin nating sabihin na ang simbahan na sumusunod sa tamang turo ayon sa mga Apostol.
Ngayon, pag ang isang simbahan ay tinawag na Russian Orthodox o Greek Orthodox, hindi ito nagsasabi na para ito sa mga Ruso o Griyego lamang. Ang sinasabi dito ay ito ang Simbahang Orthodox na matatagpuan sa Russia o sa Greece. Tulad ng mababasa natin sa Bibliya, ang mga Simbahan noon ay kinikilala sa lugar kung saan sila matatagpuan. Sa Mga Gawa (Acts) 15 makikita natin ang unang pagpupulong o council ng Simbahan sa Jerusalem. Ito ay para ayusin ang problema ng Simbahan sa Antioch. Makikita natin sa mga sulat ni Apostol San Pablo na ito ay para sa iba't ibang mga Simbahan sa mga siyudad noong unang siglo. Andiyan ang Simbahan sa Roma, sa Corinth, sa Thessalonica, sa Colossae, at iba pa. Hanggang sa ikatlong
siglo, ang mga Simbahan ay may kanya-kanyang pamamalakad, ngunit ang mga obispo nito ay nagpupulong at naguusap-usap upang mapanatili ang pagkakaisa nila sa pananampalataya. Sa ikatlong siglo nasimula mag grupo-grupo ang mga Simbahan, ito ay tinawag na Metropolia. Tulad ng pag gamit natin sa salita ito ngayong araw na ito (metropolitan), ito ay isang pag-grupo ng ilang mga siyudad sa isang pagpupulong. Ang pagpupulong na ito at tinatawag na "Synod" at ang namumuno dito ay ang Metropolitan. Makaraan ng mahigit-kumulang na 100 taon, ang mga Metropolia ay nagpulong-pulong upang bumuo ng Patriarchate. Ang Patriarchate ay mas malawak na pagpupulong ng ilang mga Metropolia at pinamumunuan ito ng isang Patriarch. Ang Patriarch at Metropolitan ay obispo, walang pinagkakaiba sa ibang mga obispo. Ngunit sa pagpupulong sila ang namumuno upang maging maayos ang pagpupulong. Walang sariling kapangyarihan ang Patriarch o Metropolitan, hindi niya maaaring pilitin ang ibang mga obispo sa kanyang synod na gumawa ng anumang bagay ayon sa sarili niyang mga utos. Ang kapangyarihan lang niya ay ipatawag ang mga obispo na kasapi ng kanyang Patriarchate o Metropolitan upang mag pulong. Ang mga nagiging desisyon ng pagpupulong ay ang mga bagay na kailangang sundan ng lahat ng obispo ng synod, at ng mga klero at lahat ng miyembro ng kaniya-kaniyang Simbahan.
Ngayon, may iba't ibang Simbahan ayon sa lugar kung nasaan sila matatagpuan. Ang ilan sa mga Simbahan na ito ay nagkakaroon din ng mga misyon sa iba't ibang panig ng mundo na wala pang mga Orthodox, o wala pang permanenteng Simbahan na naitatayo. Kaya makikita natin sa mga lugar tulad sa Amerika, Canada, Australia at kahit sa Pilipinas, may iba't ibang mga Simbahan na nagtayo ng misyon. Ito ay pansamantala lamang at sa pag lipas ng panahon ang layunin ay magkaroon ng isang lokal na Simbahan. Sa Amerika, nagsimula na itong proseso na ito ng maitayo ang Orthodox Church in America. Tumatakbo pa rin ang proseso at ito ay hindi pa natatapos, kaya marami pa ring mga ibang Simbahan na matatagpuan sa Amerika. Subalit ito ay hindi problema para sa mga pangkaraniwang tao. Ang pagsasaayos nito ay nasa kamay ng mga obispo. Ito ay hindi nagbibigay ng problema sa mga miyembro ng Simbahan. Ang isang tao na kasapi sa Greek Orthodox Church sa Amerika as makakapag-simba at makakatanggap ng mga Misteryo (o Sakramento) sa kahit anumang ibang Simbahan. Ako mismo bilang miyembro ng OCA ay nakapag-Communion na sa Greek Orthodox. Tandaan lang na napaka-sagrado para sa mga Orthodox ang Eucharist kaya hindi basta-basta bibigyan ng pari ng Communion kung sino man, kahit na sabihin nilang Orthodox sila. Kelangang mapatunayan ng isa na Orthodox sila, may iba't ibang paraan para gawin ito at nararapat na tanungin ng isang Orthodox ang kanyang pari kung ano dapat gawin bago siya pumunta sa ibang simbahan. Hindi ito problema ng magkaibang Simbahan, dahil maaring ang isang Russian Orthodox ay hindi bigyan ng Communion sa ibang Russian Orthodox na simbahan kung walang nakakakilala sa kanya dun.
Ang pagkakaisa ng Orthodox ay nasa pananampalataya nito. Kahit na may iba't ibang pagpupulong ng mga obispo, at iba't ibang lahi at lugar na naglalarawan ng isang Simbahang Orthodox, iisang simbahan siya hindi dahil sa pangalan o lugar o lahi ng mga tao na miyembro nito. Iisa siya dahil lahat ng mga simbahang ito ay may iisang pananampalataya na minana sa mga Apostol.
Isang babala. Tulad ng nasabi natin, hindi pangalan ang pagkakaisa ng mga Orthodox. Maraming mga simbahan o organisasyon ang tumatawag sa sarili nila na Orthodox ngunit hindi sila talaga Orthodox. Ngayon, matagal suriin ang bawat simbahan, organisasyon o tao para makita natin kung Orthodox nga sila o hindi. Ang pinaka-mabilis na paraan ay alamin natin kung kani-kanino sila naka-Communion. Ang Communion, ang ibig sabihin nito ay pagiisang isip. Communion ang tawag sa Eucharist kasi tinatanggap natin si Kristo sa ating buong pagkatao, at ito ay pagpapakita ng pagiisang isip natin kay Kristo ayon sa mga turo niya. Kaya pinagbabawalan ang mga taong hindi Orthodox na tumanggap ng Communion, kasi hindi magkaisang isip sila at si Kristo. Pag ang isang tao ay sumasampalataya sa pananalig ng Orthodox ng buo, at siya ay nasa ilalim ng pagpapastol ng isang obispo, siya at yung obispo ay nasa-Communion sa isa't-isa. Pag itong obispo ay nananalig ng Orthodox, siya ay nasa-Communion sa ibang mga obispo na Orthodox. Pag kinikilala ng mga obispo ang Communion na ito, alam natin na Orthodox sila. Sa ngayon ito ang listahan ng mga Simbahan na Orthodox na nasa-Communion sa isa't isa:
- Ecumenical Patriarchate of Constantinople
- Patriarchate of Alexandria
- Patriarchate of Antioch
- Patriarchate of Jerusalem
- Patriarchate of Moscow
- Patriarchate of Serbia
- Patriarchate of Romania
- Patriarchate of Bulgaria
- Patriarchate of Georgia
- Church of Cyprus
- Church of Greece
- Church of Poland
- Church of Albania
- Church of the Czech Lands and Slovakia
- Orthodox Church in America
Sa Pilipinas, may Misyon ang Ecumenical Patriarchate of Constantinople, Patirachate of Antioch, at Patriarchate of Moscow. Ang Patriarchate of Moscow sa Pilipinas ay nakikilala sa tawag na ROCOR o Russian Orthodox Church Outside of Russia.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento