Linggo, Disyembre 29, 2013

Ang Diyos na nagmamahal

Sa araw-araw nating pamumuhay nakikita natin na maraming trahedya sa mundo.  Maraming nasasaktan o namamatay dahil sa kasamaang palad, o dahil sa mga masasamang gawa ng ibang tao.  Sa mga taong may tiwala siya Diyos, minsan nakikita itong kaganapan na ito bilang kaparusahan o paghihiganti ng Panginoon.  Ito ba ay nasasangayon sa turo ng Simbahang Orthodox?

Ayon sa kasulatan at sa turo ng mga Ama ng Simbahan (o Church Fathers), and Diyos ay isang mapagmahal na Diyos.  Kinaramihan ay pamilyar sa Juan 3:16 na sinasabing, "Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  Lubos ang pagmamahal ng Diyos sa atin na ibinigay na niya ang lahat, pati ang kanyang sariling anak upang mailigtas tayo.  Sa pananaw na ito, hindi ito tugma sa pananaw na galit ang Diyos sa atin dahil sa ating mga kasalanan.  Kung ang kasalanan natin ay kinakagalit ng Diyos at gusto niyang wakasin ang mundo o ang buhay ng mga tao, hindi na niya sana ipinadala pa si Kristo.  Dahil ang Diyos ay makapangyarihan, alam niya nakahit magkatawang-tao si Hesus ay patuloy pa rin ang pagiging makasalanan natin dahil ito ang katangian ng tao mula ng pagkalaglag ni Adan at Eba.

Sa paniniwala ng Orthodox, ang kamatayan ay hindi kaparusahan ng Panginoon sa pagkakasala ni Adan at Eba, kundi isang gawa ng kaawaan.  Ang pagpalayas sa kanila sa Paraiso ay para hindi nila makamit ang buhay na walang hanggan mula sa Puno ng Buhay.  Dahil naging makasalanan ang tao, hindi nararapat na mabuhay siya ng walang hangganan na makasalanan.  Ang pagkamatay ng tao ay upang matigil ang pagsasala niya, kaya sa Lumang Tipan makikita natin na inuutos ng Diyos na patayin ang mga kaaway ng Israel.  Pati na rin sa mga taga-Israel na patayin ang nagkasala ng malalim.  Sa Lumang Tipan, dahil hindi pa nagsasangkatawang-tao si Hesus, hindi pa maaari na makakuha ng kapatawaran ang mga tao, kaya mas mabuti nang patayin sila kesa magkasala sila.  Maaring sa pananaw natin ay napakasaklap ng kamatayan, ngunit sa Panginoon ito ay hindi katapusan dahil sa kanyang kapangyarihan na buhayin muli ang mga namatay.  Sa bagong tipan ay ibinigay na ni Hesus ang grasya sa pamamagitan ng Simbahang Orthodox at ang mga Misteryo (karaniwang natatawag nating Sakramento) nito.  Ito ang rason kung bakit kahit na sinusunod pa rin natin ang kinaramihan ng mga utos ng Diyos mula sa Lumang Tipan, hindi na natin sinusunod ang mga utos na parusahan ng kamatayan ang mga may sala.

Subalit kahit nabibiyayaan na tayo ng grasya ng Panginoon, hindi pa rin kumpleto ang pagbabago na ipinangako sa atin.  Ito ay matutupad sa darating na kapanahunan (o Age to Come na sinasabi natin sa Ingles).  Sa kapanahunang ito kung nasaan tayo, patuloy pa rin tayo namumuhay sa mundo na apektado ng pagkalaglag ni Adan.  Alalahanin na sa pagkalaglag ni Adan at Eba, ang buong sangkalikasan at nalaglag din at naapektuhan ng kamatayan at katiwalian.  At dahil dito maraming masamang bagay ang nangyayari, tulad ng mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.  Andiyan din ang ibang tao na gumagawa ng masama, o mga bagay na resulta ng kasamaang palad tulad ng aksidente sa sasakyan (kotse, eroplano, barko) o ibang aksidente, na nagreresulta ng kasakitan o kamatayan.  Hindi ito dahil pinaghigantihan tayo ng Diyos.  Tignan natin ito sa paraan na ito, kung may nag sabi sa iyo na huwag ilubog ang kamay sa kumukulong tubig at hindi ka nakinig at ginawa mo pa rin at napaso ka, sino may kasalanan?  Pinaghigantihan ka pa ng nagsabi sa iyo na huwag mong gagawin iyon kaya ka napaso?  Hindi.  Ganyan din ang Panginoon.  Pag hindi tayo sumunod
sa mga turo at utos Niya, ang mga masamang nangyayari sa atin ay resulta ng pagkakasala natin at hindi sa paghihiganti Niya.  Minsan ito ay resulta sa pagsasala ng iba at nadamay lang tayo.  At ang mga resulta ng mga kalamidad ay masasbi natin ay resulta ng pagsasala ni Adan at Eba na nagbago sa mundo.  Subalit nagagamit pa rin ito ng Panginoon upang tulugan tayo maisatuwid ang buhay natin.  Pag nasalanta tayo, naaalala natin ang Diyos.

Hindi rin tama na isipin nating binabawian tayo sa ating pagkakasala agad.  Ito ay kontra sa turo na tinatawag tayo ng Panginoon na magsisi sa ating mga kasalanan.  Para saan pa ang kapatawaran kung naparusahan na tayo?  Hindi tugma sa turong Orthodox ang "karma".  May pagkakataon tayo magsisi at magbagong buhay habang tayo ay nabubuhay.  At sa mga namatay, patuloy natin na pinagdadasal ang mga kaluluwang ito para patawarin ng Diyos at para sila ay magbago upang mailigtas pa rin sila sa Huling Paghusga.  Kung may kasamaan na dumating sa ating buhay, ito ay dapat tanggapin natin bilang bahagi ng katunayan ng kasalukuyang buhay natin, at bilang isang bagay na pinahintulutang mangyari ng Diyos upang mapabuti tayo, ang ibang tao, at mag bigay kaluwalhatian sa Kanya.  Hindi nararapat na isipin natin na galit sa atin ang Panginoon dahil binigay niya sa atin ang Simbahan upang magkaroon tayo ng paraan makapagsisi at makapagbago.

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Ang iisang Simbahang Orthodox

Sa mga nakakakilala na sa Simbahang Orthodox, ang pagkakakilala nila sa mga ito ay ayon sa mga bansa at kultura na kung saan galing ang nakakaraming mga Orthodox.  Ang pinaka-kilalang dalawa ay ang Greek Orthodox at ang Russian Orthodox.  Maliban dito ay may iba pang mga Orthodox Church tulad ng Antiochian Orthodox Church, Orthodox Church in America, Romanian Orthodox Church, at iba pa.  Maya-maya ililista natin ang iba't ibang Simbahan, subalit sa ngayon ay ipapaliwanag ko muna kung bakit maraming mga simbahan ang natatawag na Orthodox.

Tulad ng nakaraang sulatin dito sa blog, sinabi natin na ang Simbahang Orthodox ay iisa.  Pero itong pagkakaisa ng Orthodox ay hindi nakikita sa pagkakapangulo ng isang tao, o sa pag-gamit ng isang pangalan.  Ang mga pangalan na ginagamit ng mga Orthodox ay hindi talaga pangalan kundi paglalarawan.  Pag sinabing Orthodox ang simbahan o ang isang tao, hindi ito titulo lamang.  Ito ay paglalarawan ng pananampalataya, ang ibig sabihin ng Orthodox ay "tama".  Kaya ang simbahan na tinatawag na Orthodox ay puwede rin nating sabihin na ang simbahan na sumusunod sa tamang turo ayon sa mga Apostol.

Ngayon, pag ang isang simbahan ay tinawag na Russian Orthodox o Greek Orthodox, hindi ito nagsasabi na para ito sa mga Ruso o Griyego lamang.  Ang sinasabi dito ay ito ang Simbahang Orthodox na matatagpuan sa Russia o sa Greece.  Tulad ng mababasa natin sa Bibliya, ang mga Simbahan noon ay kinikilala sa lugar kung saan sila matatagpuan.  Sa Mga Gawa (Acts) 15 makikita natin ang unang pagpupulong o council ng Simbahan sa Jerusalem.  Ito ay para ayusin ang problema ng Simbahan sa Antioch.  Makikita natin sa mga sulat ni Apostol San Pablo na ito ay para sa iba't ibang mga Simbahan sa mga siyudad noong unang siglo.  Andiyan ang Simbahan sa Roma, sa Corinth, sa Thessalonica, sa Colossae, at iba pa.  Hanggang sa ikatlong
siglo, ang mga Simbahan ay may kanya-kanyang pamamalakad, ngunit ang mga obispo nito ay nagpupulong at naguusap-usap upang mapanatili ang pagkakaisa nila sa pananampalataya.  Sa ikatlong siglo nasimula mag grupo-grupo ang mga Simbahan, ito ay tinawag na Metropolia.  Tulad ng pag gamit natin sa salita ito ngayong araw na ito (metropolitan), ito ay isang pag-grupo ng ilang mga siyudad sa isang pagpupulong.  Ang pagpupulong na ito at tinatawag na "Synod" at ang namumuno dito ay ang Metropolitan.  Makaraan ng mahigit-kumulang na 100 taon, ang mga Metropolia ay nagpulong-pulong upang bumuo ng Patriarchate.  Ang Patriarchate ay mas malawak na pagpupulong ng ilang mga Metropolia at pinamumunuan ito ng isang Patriarch.  Ang Patriarch at Metropolitan ay obispo, walang pinagkakaiba sa ibang mga obispo.  Ngunit sa pagpupulong sila ang namumuno upang maging maayos ang pagpupulong.  Walang sariling kapangyarihan ang Patriarch o Metropolitan, hindi niya maaaring pilitin ang ibang mga obispo sa kanyang synod na gumawa ng anumang bagay ayon sa sarili niyang mga utos.  Ang kapangyarihan lang niya ay ipatawag ang mga obispo na kasapi ng kanyang Patriarchate o Metropolitan upang mag pulong.  Ang mga nagiging desisyon ng pagpupulong ay ang mga bagay na kailangang sundan ng lahat ng obispo ng synod, at ng mga klero at lahat ng miyembro ng kaniya-kaniyang Simbahan.

Ngayon, may iba't ibang Simbahan ayon sa lugar kung nasaan sila matatagpuan.  Ang ilan sa mga Simbahan na ito ay nagkakaroon din ng mga misyon sa iba't ibang panig ng mundo na wala pang mga Orthodox, o wala pang permanenteng Simbahan na naitatayo.  Kaya makikita natin sa mga lugar tulad sa Amerika, Canada, Australia at kahit sa Pilipinas, may iba't ibang mga Simbahan na nagtayo ng misyon.  Ito ay pansamantala lamang at sa pag lipas ng panahon ang layunin ay magkaroon ng isang lokal na Simbahan.  Sa Amerika, nagsimula na itong proseso na ito ng maitayo ang Orthodox Church in America.  Tumatakbo pa rin ang proseso at ito ay hindi pa natatapos, kaya marami pa ring mga ibang Simbahan na matatagpuan sa Amerika.  Subalit ito ay hindi problema para sa mga pangkaraniwang tao.  Ang pagsasaayos nito ay nasa kamay ng mga obispo.  Ito ay hindi nagbibigay ng problema sa mga miyembro ng Simbahan.  Ang isang tao na kasapi sa Greek Orthodox Church sa Amerika as makakapag-simba at makakatanggap ng mga Misteryo (o Sakramento) sa kahit anumang ibang Simbahan.  Ako mismo bilang miyembro ng OCA ay nakapag-Communion na sa Greek Orthodox.  Tandaan lang na napaka-sagrado para sa mga Orthodox ang Eucharist kaya hindi basta-basta bibigyan ng pari ng Communion kung sino man, kahit na sabihin nilang Orthodox sila.  Kelangang mapatunayan ng isa na Orthodox sila, may iba't ibang paraan para gawin ito at nararapat na tanungin ng isang Orthodox ang kanyang pari kung ano dapat gawin bago siya pumunta sa ibang simbahan.  Hindi ito problema ng magkaibang Simbahan, dahil maaring ang isang Russian Orthodox ay hindi bigyan ng Communion sa ibang Russian Orthodox na simbahan kung walang nakakakilala sa kanya dun.

Ang pagkakaisa ng Orthodox ay nasa pananampalataya nito.  Kahit na may iba't ibang pagpupulong ng mga obispo, at iba't ibang lahi at lugar na naglalarawan ng isang Simbahang Orthodox, iisang simbahan siya hindi dahil sa pangalan o lugar o lahi ng mga tao na miyembro nito.  Iisa siya dahil lahat ng mga simbahang ito ay may iisang pananampalataya na minana sa mga Apostol.

Isang babala.  Tulad ng nasabi natin, hindi pangalan ang pagkakaisa ng mga Orthodox.  Maraming mga simbahan o organisasyon ang tumatawag sa sarili nila na Orthodox ngunit hindi sila talaga Orthodox.  Ngayon, matagal suriin ang bawat simbahan, organisasyon o tao para makita natin kung Orthodox nga sila o hindi.  Ang pinaka-mabilis na paraan ay alamin natin kung kani-kanino sila naka-Communion.  Ang Communion, ang ibig sabihin nito ay pagiisang isip.  Communion ang tawag sa Eucharist kasi tinatanggap natin si Kristo sa ating buong pagkatao, at ito ay pagpapakita ng pagiisang isip natin kay Kristo ayon sa mga turo niya.  Kaya pinagbabawalan ang mga taong hindi Orthodox na tumanggap ng Communion, kasi hindi magkaisang isip sila at si Kristo.  Pag ang isang tao ay sumasampalataya sa pananalig ng Orthodox ng buo, at siya ay nasa ilalim ng pagpapastol ng isang obispo, siya at yung obispo ay nasa-Communion sa isa't-isa.  Pag itong obispo ay nananalig ng Orthodox, siya ay nasa-Communion sa ibang mga obispo na Orthodox.  Pag kinikilala ng mga obispo ang Communion na ito, alam natin na Orthodox sila.  Sa ngayon ito ang listahan ng mga Simbahan na Orthodox na nasa-Communion sa isa't isa:


  • Ecumenical Patriarchate of Constantinople
  • Patriarchate of Alexandria
  • Patriarchate of Antioch
  • Patriarchate of Jerusalem
  • Patriarchate of Moscow
  • Patriarchate of Serbia
  • Patriarchate of Romania
  • Patriarchate of Bulgaria
  • Patriarchate of Georgia
  • Church of Cyprus
  • Church of Greece
  • Church of Poland
  • Church of Albania
  • Church of the Czech Lands and Slovakia
  • Orthodox Church in America 
Sa Pilipinas, may Misyon ang Ecumenical Patriarchate of Constantinople, Patirachate of Antioch, at Patriarchate of Moscow.  Ang Patriarchate of Moscow sa Pilipinas ay nakikilala sa tawag na ROCOR o Russian Orthodox Church Outside of Russia.

Sabado, Nobyembre 23, 2013

Ano ang Simbahang Orthodox?

Sa kinaramihan ng mga Pilipino, hindi nila alam kung ano ang Simbahang Orthodox, o ang Orthodox Church.  Kung may alam man sila ay limitado base sa mga ilang maliliit na detalye na nasama sa usapan.  Siguro may kakilala sila na naging Orthodox, o narinig o nabasa lang sa internet, o kaya nabasa sa mga libro ng kasaysayan o sa diyaryo.  Pero kahit na alam nila ang salitang "Orthodox", hindi talaga nila alam kung ano ito.  Ganito rin ako noon, hindi ko maalala kung saan ko narinig iyon pero may kaunti akong alam.  Ang rason nito ay hindi talaga tayo naabot ng mga misyonaryong Orthodox hangga't nitong nakaraan na 100 taon.  At kahit na may mga Orthodox na pari at obispo o mga dayuhan na Orthodox na nasa Pilipinas upang mag negosyo o tumira, bihira at kakaunti lang ang mga pagkakataon na makilala sila ng publiko.

Simulan natin.  Ang Simbahang Orthodox ay ang Simbahan na itinatag ni Kristo sa panahong ng kanyang ministeryo dito sa lupa.  Ngayon, maraming ibang simbahan at sekta na nagsasabi na sila ang itinatag na simbahan ni Kristo, pano masasabi ng Orthodox na sila nga ang Simbahan?

Ang Orthodox as may kasaysayan na nagmumula pa nung 33AD.  Ito as matapos ng pagkabuhay ni Kristo at umakyat siya sa langit, ipinadala niya ang Espiritu Santo sa kanyang mga disipolo.  Itong araw na ito na tinatawag natin na Pentecost, ang araw na naitatag ang Simbahan.  Mag mula noon at sa sumunod na halos 2000 taon ay makikita ang pag lago ng pananampalatayang Kristiyano at pag tatag ng mga simbahan sa iba't ibang lugar.

Maraming magtatanong, "Orthodox" ba ang pangalan ng Simbahan na itinatag ni Kristo?  Hindi ko ata nabasa sa Bibliya iyan.  May ilang paliwanag yan.

Una, walang pangalan ng Simbahan na binigay si Kristo.  Ang salitang "Orthodox" ay hindi talaga pangalan, kundi paglalarawan ng pananampalataya ng Simbahan.  Ang ibig-sabihin ng salitang "Orthodox" ay "naayon sa tunay na turo".  Kaya ang pag tawag sa Simbahan bilang "Orthodox" ay hindi pag bigkas ng pangalan ng simbahan na para itong isang kumpanya na may tatak, ngunit ito ay ang pagsasabi na ang Simbahang ito ay nasasaayon sa tunay na turo ng mga Apostol.

Pangalawa, marami ang gumagamit ng Bibliya para patunayan na tunay ang kanilang simbahan o sekto.  Karaniwan ay may ilan silang mga talata na ginagamit upang kumbinsihin ang mga tao sa kanilang pahayag.  Hindi yan ang paraan na ginagamit ng Orthodox para patunayan na sila ang tunay kasi alam ng Orthodox na hindi ganyan ang pag gamit ng Bibliya.  Pano niya nalalaman ito?  Kasi ang Simbahang Orthodox ang gumawa ng Bibliya.  Nag simula ang Simbahan ng 33 AD.  Ayon sa kasaysayan, ang unang mga manuscript
ay naisulat ng hindi aaga sa kalagitnaan ng dekada 50AD.  Ang iba pang mga kasulatan na nasama sa Bibliya ay naisulat lamang sa susunod pa na 40 taon, hanggang 90AD.  Matapos nito ay marami ding ibang mga kasulatan na ginagamit ng mga Kristiyano nung unang panahon na hindi naisama sa Bibliya.  Sa ika-4 na siglo lamang nagkaroon ng tinatawag na "canon", o opisyal na listahan ng mga libro na pagsasama-samahin upang gawing Bibliya.  Kahit sa Bibliya mismo makikita na ang mga Kristiyano sa unang siglo ay nagiiba ang tawag sa sarili nila.  Nung una ay tinawag nila ang sarili nila na "The Way" o "Ang Daan".  May dalawang beses lang sa mga kasulatan na ginamit ang salitang "Kristiyano".  Una ay yung pag banggit na sa siyudad na Antioch unang binansagan ang mga disipolo ni Kristo bilang Kristiyano.  Pangalawa, nung usapan ni San Pablo at nung Hari ng Judea na si Agrippa.  Sa usapang ito kung susuriin ang orihinal na Griyego as makikita agad na ang pag gamit ng salitang Kristiyano as isang pangbabastos.  Nung panahon na iyon hindi lang ito pag bansag sa isang tao na tagasunod ni Kristo, kundi may kasama pang kahulugan ito na baliw iyong tao na iyon dahil tagasunod siya ni Kristo.

Kahit si Hesus mismo ay hindi sinabi na malalaman ang mga tunay na tagasunod niya sa pagbansag ng pangalan.  Sabi ni Hesus, "Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila." (Mateo 7:20)  At sinabi Niya rin, "Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin." (Juan 10:27).  Alam natin na ang Simbahang Orthodox ay ang tunay na Simbahan ni Hesus hindi dahil sa mga pahayag ukol sa ilang mga talata na iyong mga talata na iyon ang naglalarawan ng tunay na simbahan o nagbibigay ng pangalang ibinansag sa simbahan.  Malinaw na ang tunay na Simbahan ay sinuman na sumusunod sa mga utos ng Diyos at may kaalaman kung alin ang tamang mga katuruan ni Hesus.  Ang pamumuhay ng isang Orthodox ay nababase hindi lamang sa ilang mga piling talata ng Bibliya, kundi sa pag unawa ng buong Bibliya, at sa pagsunod ng Tradisyon na ibinigay ng mga Apostol sa atin (2 Tesalonica 2:15).  Ang tradisyon ay naipapasa lamang kung ito ay may walang patid na pagdudugtong mula sa araw ng Pentecost noong 33 AD, hanggang sa araw na ito.  At ang Tradisyon din ay isa pang patunay ng katotohanan ng pananampalataya ng mga Orthodox dahil sa pagpasa-pasa ng mga turo at paraan ng pamumuhay, makikita sa pagsusuri ng kasaysayan na ang paniniwala ng mga Orthodox ngayon ay tugma sa pananampalataya ng mga Orthodox nung ika-15 siglo, na tugma sa pananampalataya ng mga Orthodox nung ika-10 siglo, na tugma sa pananampalataya ng mga Orthodox nung ika-4 na siglo, at tugma sa pananampalataya ng mga Apostol na nagbigay sa atin ng pananampalatayang Orthodox na itinuro sa kanila ni Hesus mismo.  Hindi ko sinasabi dito na itong mga panahon lang na ito ang mga panahon na susuriin para makita ang pagkakapareho ng pananampalataya, ngunit ito ay isang halimbawa lamang.  Sa kahit anong panahon mula 33 AD hanggang ngayon, ikumpara sa kahit ano pang panahon, at suriin ang pananampalatayang Orthodox, makikita na ito ay walang pagbabago.  Ito ang patunay.

Panimula

Ang blog na ito ay akin sinumulan dahil gusto ko maibahagi sa mga kapwa kong Pilipino ang aking kaalaman ukol sa pananampalatayang Orthodox.  Maraming lugar sa internet ang puwede puntahan ng mga tao upang matutunan ang mga turo and tradisyon ng mga Orthodox, ngunit lahat ito ay nasa iba't ibang banyagang wika.  Upang maging mas malapit at mas madaling intindihin sa mas nakakaraming Pilipino, naisip kong magsulat sa wikang Tagalog.

Ako ay isang Pilipino na naging Kristiyanong Orthodox.  Bahagi ako ng Orthodox Church in America.  Ang aking kaalaman na ipapamahagi ko dito ay ang mga aking natutunan sa pag imbistiga ko sa pananampalatayang Orthodox mula pa bago ko man naisip at tinanggap ang mga turo nito, hanggang ngayon na pinapalago ko ang aking pananampalataya.  Matapat kong sasabihin na hindi ako isang dalubhasa sa larangang ito at ang maibabahagi ko lamang ay kung ano lamang ang natutunan ko.  Ang pag tuklas ng pananampalatayang ito at isang patuloy na proseso, nais ko lang itong blog na ito ay maging panimula para sa mga makakabasa.