Sa kasamaang palad nakatanggap kami ng impormasyon ukol sa ilang mga tao na nagpapanggap na sila ay Orthodox. Ikinalulungkot namin ang pangyayaring ito dahil naiintindihan namin na subalit na may 2000 taong kasaysayan ang Simbahang Orthodox, hindi pa ito masyadong kilala pa sa Pilipinas. Tatalakayin natin ngayon kung pano malalaman kung sino ang tunay na Orthodox, at sino ang hindi.
Ang tunay na Kristiyano ay nakikilala sa kanyang mga gawa (Mateo 7:16). Ito ang mga tao na sumusunod sa mga turo ng mga Apostol na ipinasa sa atin bilang tradisyon (2 Mga Taga-Tesalonica 2:15) at sumusunod sa Mabuting Balita na ayon sa mga Apostol at hindi ayon sa ibang tao o kahit pa anghel (Mga Taga-Galacia 1:8). Subalit mahirap ito makita sa mga pang-araw-araw na tao. Ang Simbahan ay hindi isang museo ng mga Santo, ito ay isang ospital para sa mga makakasalanan. Hindi rin perpekto ang mga tao sa Simbahan. Ang binyag o kahit ang ordinasyon ay hindi isang salamangka na pumipigil sa isang tao na magkamali o gumawa ng kasalanan. Ang pagbabago ay isang habang buhay na proseso.
Dito pumapasok ang mga Obispo, ang mga tagapamahala ng Simbahan at ng ating pananampalataya. Nakasalalay sa kamay ng mga Obispo na siguraduhin na ang pananampalataya ay naaayon sa turo ng mga Apostol ang ng mga Ama ng Simbahan. Kung may mga magtuturo ng kamalian, ito ay paguusapan sa isang Council at kung mapatunayan na mali ang tinuturo, ang nagtuturo ay bibigyan ng pagkakataon umpang humingi ng katawaran at magbago. Kung hindi siya magbago, siya ay tatanggalin sa Simbahan.
Ang pagkilala ng mga Orthodox na Obispo sa isa't isa ang isang pinakamadaling paraan para makilala kung sino ang tunay na Orthodox. Ang mga ordinaryong Kristiyano ay bahagi ng isang lokal na simbahan. Ang pari ay nasasailalim sa Obispo. Isang indikasyo na ito kung ang pari ay tunay na Orthodox o hindi. Dapat napapailalim siya sa Obispo na siya mismo ay Orthodox. Ngayon, ang Obispo ay dapat kasapi sa isang synod. Ang synod ay ang pagpupulong ng mga Obispo sa ayon sa lugar na nasasakupan. Ang isang ranggo ng Obispo ay ang Metropolitan. Ang Metropolitan ay isang Obispo na nakaupo sa isang importanteng siyudad o purok. May mga ibang kalapit na siyudad o purok na ang mga Obispo nito ay magpupulong-pulong at ang Metropolitan ang pangunahing Obispo. Ngayon, may mga Metropolitan na nagpulong-pulong pa muli upang bumuo ng isang mas malawak na nasasakupan, ito ang tinatawag na Patriarchate. Ang Patriarchate ay pinamumunuan ng nangungunang Metropolitan, na ngayong kikilalanin bilang Patriarch. Ang Patriarch at Metropolitan ay pangalang pangkarangalan. Obispo pa rin sila, ngunit sa pagpupulong ng mga Obispo sila ang namumuno sa pulong na ito.
Hindi lahat ng pagpupulong ng mga Obispo ay pinamumunuan ng Patriarch. Ang ibang pagpupulong na maliit lamang ay pinamumunuan ng Metropolitan. Kailangang may 2 o higit pang Metropolitan ang isang pagpupulong bago magtakda ng Patriarch. At ito ay kailangan kilalanin ng ibang Simbahan. Ang nangungunang Obispo ng bawat Simbahan, it man ay Metropolitan o Patriarch, ay tinatawag ding Primate. Ang Primate ay pagkilala lang na itong Metropolitan o Patriarch ang pangulo ng pagpupulong.
Ngayon, para malaman kung Orthodox ka ngang tunay, o ang isang parokya o obispo ay Orthodox, sundan lang ang linya mula sa mga miyembro ng parokya hanggang sa Primate. Kung ang parokya at ang pari nito ay kinikilala ng obispo niya, at ang obispo na ito ay kasapi sa pagpupulong ng isang Orthodox na Primate, malamang na Orthodox itong parokyang ito pati ang mga obispo. Pero may isa pang dapat tignan dito. Ang Primate ay ang pangulo ng isang pagpupulong ng mga obispo, ito ay tinatawag sa Ingles na "Autocephalous Church". Ang ibig sabihin ng "autocephalous" as ang Primate ay ang pinaka-punong obispo nitong Simbahan na ito at hindi na siya napapasailalim pa sa ibang obispo. Ang ibang mga autocephalous na Simbahan ay tinuturing na kapatid. Sa Orthodox may 15 na autocephalous na Simbahan. Importante rin ito sa pagkilala ng tunay na Orthodox dahil upang makilala na tunay na Orthodox ang isang Simbahan ay dapat kinikilala ito
ng iba pang autocephalous na Simbahan bilang Orthodox. Sinasabi natin na ang mga Simbahan ay "in communion" sa isa't isa. Dito ginagamit ang dyptychs. Ang dyptychs ay galing sa salitang Griyego, ang simpleng ibig sabihin lang nito ay dalawang pirasong kahoy na pinagdikit na parang libro. Ngunit para sa mga Primate, ginagamit ito para ilista ang pangalan ng mga iba pang Primate kung kanino sila "in communion". At nakasaayos din itong listahan na ito ayon sa rango ng mga Simbahan. Nung kalagitnaan ng unang milenyo, itinatag ang tinatawag na Pentarchy, o ang limang sinaunang Patriarchate ng Simbahan. Ang nangunguna sa karangalan ay ang Obispo ng Roma. Subalit nung 1054, nagkaroon ng alitan ang Roma at Constantinople (ang pumapangalawa sa karangalan) ukol sa ilang mga doktrina ng Simbahan. Dahil dito umalis ang Roma sa Simbahan. Ang nangyari dito ay binura ng Constantinople sa kanyang dyptychs ang Roma at binura din ng Roma ang Constantinople sa kanyang dyptychs. Sa mga susunod na taon at makalipas pa ang ilang siglo, pati ang iba pang mga Primate at tinanggal sa kanilang dyptychs ang Roma. Kaya sa Simbahang Orthodox makikita ang 4 sa 5 sinaunang Patriarchate, at ang Roma ay nagiisa lamang.
Ngayon, kung ang isang Simbahan ay sinasabing Orthodox sila, ito ang pinakaimportanteng patunay. Kinikilala ba sila ng ibang Primate na Orthodox bilang isang Simbahang Orthodox? Ang Primate ba nila ay nasa dyptychs ng iba pang mga Orthodox? Kung wala, hindi sila tunay na Orthodox.
Importante sa Orthodox ang pagkilala ng iba pang Orthodox. Dahil ito sa "conciliarity", ang Simbahan na tinitatag ni Kristo ay binubuo ng ilang mga tao na naninigurado at nananagot sa isa't isa. 12 ang Apostle, at may 70 na disipolo pa nung simula. Ito ang tunay na paraan na ang pagintindi sa turo ni Kristo ay tama. Makikita ito sa Mga Gawa 15 nung nagkaroon ng isang Council sa Jerusalem. Nagpulong ang mga Apostol at ang mga nakagugulang ng Jerusalem. Hindi ito desisyon ng isa o ilang tao lamang, at ito ay pinamunuan ng pangulo ng Simbahan sa Jerusalem noong panahon na iyon, si Santo Jaime na kapatid ng Panginoon (at hindi si San Pedro ayon sa iba). Itong paraan ng pagpupulong ay itinuloy ng Simbahan dahil ito ang paraan na ginamit ng mga Apostol at ito ang paraan kung pano natin masisiguro kung sino ang mga tunay na Orthodox.
Sa kahuli-hulihan, dahil sa panahon ngayon, maaari nating gamitin ang Internet upang malaman agad kung ang isang pari or obispo o Simbahan ay tunay na Orthodox. Makikita ito sa mga opisyal na website ng mga obispo, at maaari din natin tignan ang iba pang opisyal na website ng iba pang obispo upang makita kung may pagkakakilala nga. At andiyan din ang mga litrato. Ang simbolo ng pagkakaisa ng mga Orthodox ay nasa Eucharist. Kung ang mga obispo ay makikitang magkasamang namumuno ng Divine Liturgy, ito ang walang kupas na pruweba ng pagkakakilala ng isa't isa bilang Orthodox. Sa Divine Liturgy matatagpuan si Kristo, ang tinapay na nagbibigay buhay. Hindi ito ibibigay ng isang Orthodox ng basta-basta sa kung kani-kanino. Pag ang dalawa o marami pang obispo ay nagsama-sama sa isang Divine Liturgy, ito ang patunay ng pagkakaisa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento