Linggo, Disyembre 29, 2013

Ang Diyos na nagmamahal

Sa araw-araw nating pamumuhay nakikita natin na maraming trahedya sa mundo.  Maraming nasasaktan o namamatay dahil sa kasamaang palad, o dahil sa mga masasamang gawa ng ibang tao.  Sa mga taong may tiwala siya Diyos, minsan nakikita itong kaganapan na ito bilang kaparusahan o paghihiganti ng Panginoon.  Ito ba ay nasasangayon sa turo ng Simbahang Orthodox?

Ayon sa kasulatan at sa turo ng mga Ama ng Simbahan (o Church Fathers), and Diyos ay isang mapagmahal na Diyos.  Kinaramihan ay pamilyar sa Juan 3:16 na sinasabing, "Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  Lubos ang pagmamahal ng Diyos sa atin na ibinigay na niya ang lahat, pati ang kanyang sariling anak upang mailigtas tayo.  Sa pananaw na ito, hindi ito tugma sa pananaw na galit ang Diyos sa atin dahil sa ating mga kasalanan.  Kung ang kasalanan natin ay kinakagalit ng Diyos at gusto niyang wakasin ang mundo o ang buhay ng mga tao, hindi na niya sana ipinadala pa si Kristo.  Dahil ang Diyos ay makapangyarihan, alam niya nakahit magkatawang-tao si Hesus ay patuloy pa rin ang pagiging makasalanan natin dahil ito ang katangian ng tao mula ng pagkalaglag ni Adan at Eba.

Sa paniniwala ng Orthodox, ang kamatayan ay hindi kaparusahan ng Panginoon sa pagkakasala ni Adan at Eba, kundi isang gawa ng kaawaan.  Ang pagpalayas sa kanila sa Paraiso ay para hindi nila makamit ang buhay na walang hanggan mula sa Puno ng Buhay.  Dahil naging makasalanan ang tao, hindi nararapat na mabuhay siya ng walang hangganan na makasalanan.  Ang pagkamatay ng tao ay upang matigil ang pagsasala niya, kaya sa Lumang Tipan makikita natin na inuutos ng Diyos na patayin ang mga kaaway ng Israel.  Pati na rin sa mga taga-Israel na patayin ang nagkasala ng malalim.  Sa Lumang Tipan, dahil hindi pa nagsasangkatawang-tao si Hesus, hindi pa maaari na makakuha ng kapatawaran ang mga tao, kaya mas mabuti nang patayin sila kesa magkasala sila.  Maaring sa pananaw natin ay napakasaklap ng kamatayan, ngunit sa Panginoon ito ay hindi katapusan dahil sa kanyang kapangyarihan na buhayin muli ang mga namatay.  Sa bagong tipan ay ibinigay na ni Hesus ang grasya sa pamamagitan ng Simbahang Orthodox at ang mga Misteryo (karaniwang natatawag nating Sakramento) nito.  Ito ang rason kung bakit kahit na sinusunod pa rin natin ang kinaramihan ng mga utos ng Diyos mula sa Lumang Tipan, hindi na natin sinusunod ang mga utos na parusahan ng kamatayan ang mga may sala.

Subalit kahit nabibiyayaan na tayo ng grasya ng Panginoon, hindi pa rin kumpleto ang pagbabago na ipinangako sa atin.  Ito ay matutupad sa darating na kapanahunan (o Age to Come na sinasabi natin sa Ingles).  Sa kapanahunang ito kung nasaan tayo, patuloy pa rin tayo namumuhay sa mundo na apektado ng pagkalaglag ni Adan.  Alalahanin na sa pagkalaglag ni Adan at Eba, ang buong sangkalikasan at nalaglag din at naapektuhan ng kamatayan at katiwalian.  At dahil dito maraming masamang bagay ang nangyayari, tulad ng mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.  Andiyan din ang ibang tao na gumagawa ng masama, o mga bagay na resulta ng kasamaang palad tulad ng aksidente sa sasakyan (kotse, eroplano, barko) o ibang aksidente, na nagreresulta ng kasakitan o kamatayan.  Hindi ito dahil pinaghigantihan tayo ng Diyos.  Tignan natin ito sa paraan na ito, kung may nag sabi sa iyo na huwag ilubog ang kamay sa kumukulong tubig at hindi ka nakinig at ginawa mo pa rin at napaso ka, sino may kasalanan?  Pinaghigantihan ka pa ng nagsabi sa iyo na huwag mong gagawin iyon kaya ka napaso?  Hindi.  Ganyan din ang Panginoon.  Pag hindi tayo sumunod
sa mga turo at utos Niya, ang mga masamang nangyayari sa atin ay resulta ng pagkakasala natin at hindi sa paghihiganti Niya.  Minsan ito ay resulta sa pagsasala ng iba at nadamay lang tayo.  At ang mga resulta ng mga kalamidad ay masasbi natin ay resulta ng pagsasala ni Adan at Eba na nagbago sa mundo.  Subalit nagagamit pa rin ito ng Panginoon upang tulugan tayo maisatuwid ang buhay natin.  Pag nasalanta tayo, naaalala natin ang Diyos.

Hindi rin tama na isipin nating binabawian tayo sa ating pagkakasala agad.  Ito ay kontra sa turo na tinatawag tayo ng Panginoon na magsisi sa ating mga kasalanan.  Para saan pa ang kapatawaran kung naparusahan na tayo?  Hindi tugma sa turong Orthodox ang "karma".  May pagkakataon tayo magsisi at magbagong buhay habang tayo ay nabubuhay.  At sa mga namatay, patuloy natin na pinagdadasal ang mga kaluluwang ito para patawarin ng Diyos at para sila ay magbago upang mailigtas pa rin sila sa Huling Paghusga.  Kung may kasamaan na dumating sa ating buhay, ito ay dapat tanggapin natin bilang bahagi ng katunayan ng kasalukuyang buhay natin, at bilang isang bagay na pinahintulutang mangyari ng Diyos upang mapabuti tayo, ang ibang tao, at mag bigay kaluwalhatian sa Kanya.  Hindi nararapat na isipin natin na galit sa atin ang Panginoon dahil binigay niya sa atin ang Simbahan upang magkaroon tayo ng paraan makapagsisi at makapagbago.